Ilang bilyong taon nang nasa paligid ang mga bagay na namumuhay at mananatili pa ang mga ito nang matagal. Sa mundo ng namumuhay, walang tambakan. Sa halip, dumadaloy ang mga bagay. Ang basura ng isang specie ay pagkain naman ng iba; ang araw ang nagbibigay ng enerhiya; tumutubo ang mga bagay, at namamatay; at ligtas na bumabalik sa lupa ang mga sustansiya. At gumagana ito. Ngunit, bilang mga tao, pinairal natin ang linear na paraan: tayo ay kumukuha, gumagawa, at nagtatapon. May bagong phone na inilabas. Kaya ibabasura natin ang luma. Nasira ang ating washing machine. Kaya bibili tayo ng bago. Tuwing ginagawa natin ito, nalulustay ang limitadong suplay ng yaman at kadalasang nagdudulot ng mapanirang basura. Tahasang 'di ito maaaring pangmatagalan. Kaya ano ang puwede? Kung tanggap nating gumagana ang cyclical model ng mundo ng namumuhay, puwede ba nating baguhin ang pananaw natin para mamuhay rin tayo sa isang sirkular na ekonomiya? Simulan natin sa biological cycle. Paano makakabuo ng kapital ang ating basura sa halip na bawasan ito? Sa muling pag-aaral at muling pagdidisenyo ng mga produkto at piyesa at ng kasama nitong pambalot, makagagawa tayo ng ligtas at nako-compost na materyales na tutulong sa paglago ng maraming bagay. Gaya ng sinasabi sa mga pelikula, "Walang nasirang yaman sa paggawa ng materyal na ito." Paano naman ang mga washing machine, cell phone, ref? Alam nating hindi ito biodegradable. Isa pang uri ng muling pag-aaral ang pinag-uusapan natin dito: isang paraan para i-cycle ang mahahalagang metal, polymer at alloy, upang mapanatili ang kanilang kalidad at patuloy na magamit nang lampas pa sa shelf life ng kanya-kanyang produkto. Ano kaya kung ang mga produkto ngayon ay maging yaman ng hinaharap? Mayroon itong commercial sense. Sa halip ng nakaugalian nating kultura ng pagtapon at pagpalit, paiiralin natin ang pagbalik at pagpatuloy kung saan dinisenyo ang mga produkto at piyesa para makalas at mabuong muli.