Ito ang mismong pangyayari nang naisip kong lumikha ng tinatawag na Tinkering School. Ang Tinkering School ay isang lugar kung saan ang mga bata ay maaaring gumamit ng tingting na kahoy at martilyo at iba pang mapanganib na bagay, at mapagkatiwalaan. Pinagkakatiwalaan na hindi sasaktan ang sarili, at pinagkakatiwalaang hindi makakasakit ng iba. Walang sinusundang curriculum ang Tinkering School, at walang mga pagsusulit. Wala kaming sinusubukang ituro na anumang partikular na bagay. Pagdating ng mga bata nakatambad ang iba't ibang klase ng kagamitan: mga kahoy at pako at lubid at gulong, at maraming kasangkapan, mga totoong kagamitan. Ito ay isang karanasan para sa mga bata sa loob ng anim na araw. Sa ganitong paraan, nabibigyan namin ang mga bata ng panahon -- isang bagay na tila kulang na ngayon dahil sa dami ng kanilang gawain. Layunin namin na sa pag-alis nila lumawak ang kanilang pag-unawa sa paggawa higit pa sa noong sila'y unang dumating, at ang pagtanto na may kaalamang nakukuha sa pamamagitan ng pagkalikot. Gayunman ... walang bagay na natutupad ayon sa napagplanuhan. (Tawanan) At maaga nilang natututunan na lahat ng proyekto ay nabubulilyaso -- (Tawanan) at madaling nilang natatanggap na bawat hakbang sa isang proyekto ay hakbang tungo sa matamis na tagumpay, o sa nakakatuwang kasawiangpalad. Nagsisimula kami mula sa mga doodles at pagguhit. At minsan gumagawa kami ng totoong disenyo. At minsan agad kaming nagbubuo. Ang paggawa ay nasa puso ng karanasang ito: gawa ng sariling kamay, at ganap na nakatutok sa napiling suliranin. Kami ni Robin, bilang katuwang at katulong, sinisiguro namin na ang direksyon ng mga proyekto ay upang matapos ito. Ang tagumpay ay nasa paggawa, at ang pagkabigo ay pinagdiriwang at sinisiyasat. Ang mga suliranin ay nagiging palaisipan at nawawala ang mga balakid. Kapag nahaharap sa matinding dagok o sa masalimuot na balakid, isang nakakatuwang ugali ang kusang lumalabas: paglalagay ng dekorasyon. (Tawanan) Ang pagpapalamuti sa proyektong hindi natapos ay gaya ng isang limliman ng mga konsepto. Sa paghinto nagmumula ang mga bagong pananaw at kahanga-hangang pamamaraan sa paglutas ng mga suliranin na dati'y humahadlang sa kanila. Lahat ng materyales ay maaring gamitin. Kahit pa ang mga nakamumuhing plastik pang-grocery ay maaaring maging isang tulay na mas malakas pa kaysa sa inakala. At kahit sila mismo ay napapahanga sa mga bagay na binuo nila. Bidyo: Tatlo, dalawa, isa, go! Gever Tulley: Isang rollercoaster na binuo ng mga batang pitong-taon gulang. Bidyo: Yay! (Palakpakan) GT: Salamat. Ako'y tunay na nagagalak. (Palakpakan)